Gaya ni Ricky Lee, malaking palaisipan sa akin kung totoong may writer’s block.
Totoo kayang dumadating sa puntong pinagtataksilan ng sarili niyang sining ang isang manunulat? Na nasasaid ang utak at ang sensibilidad?
Bilang writer, hindi ko alam kung totoong dumating na ako sa puntong ganoon. Basta ang alam ko, napakatagal ng panahong hindi ako nakapagsulat. Huminto ako, sa hindi ko malamang dahilan. Marami na akong naisulat, pero sa paglipas ng mga araw, mas dumami ang mga hindi ko naisulat. O kung naisulat ko man, hindi ko natapos. O kung natapos ko man, nasa Recycle Bin na ng laptop ko ngayon.
Hindi ko talaga malaman ang dahilan. Dati, makakita lang ako ng nanay na nagpapasuso ng sanggol sa jeep, o ng mamang naninigarilyo, nakakabuo ako ng konsepto. Dati, sapat ang mga simpleng pagkain sa Chowking o pagsakay sa bus para ma-obserbahan ko ang galaw ng mga tao sa paligid, at i-konekta ‘yun sa buhay. Dati, kaya kong humugot ng inspirasyon sa gitara, sa pandesal, sa nakakaantok na lecture ng teacher ko sa Geometry at kahit sa bagsak kong quiz sa Physics. Dati.
Madalas kong itanong sa sarili ko kung ano ang nangyari sa akin.
Hindi ko naisulat kung anong pakiramdam ng maghanap ng unang trabaho at mabigo. O ang saya ng niyayakap ka ng mga preschool students at binibigyan ka nila ng drawing nilang lagpas-lagpas ang kulay. Ang unang abot ng sweldo kay mommy. Ang eksaktong detalye ng pagkakasuot ng mahal ko ng singsing sa daliri ko.
Marami pa akong nilampasan lang at hindi isinulat. Masaya. Masalimuot. Magulo. Nakakaiyak. Morbid. Pati mga walang kwentang alaala – na dapat sana naitala ko, pero hindi ko nagawa. Kaya nilampasan na lang ako ng panahon.
Dati, nagsusulat lang ako kapag masaya ako. O kapag excited. O kapag kinikilig. Pero dumating ang panahong naghubad ng maskara ang buhay at doon ko nakita – hindi patas ang mundo. Tatawa ka pala ngayon dahil iiyak ka bukas.
Dati, nagsusulat ako para mabasa ng mga gusto kong makabasa. Para manalo sa mga contests. Para makakuha ng medal at ng cash prize.
Dati.
Ngayon…
Siguro nga, pinagtaksilan na ako ng sarili kong sining.
Ngayon, kapag nasa Chowking ako at dumalaw ang ideya, balewala na sa akin. Nawala ang dati kong ugali ng pagsusulat sa likod ng resibo o mga karton ng French fries. Hindi ako makakuha ng konsepto sa mga simpleng bagay gaya ng dati kong ginagawa. Ngayon, takot akong magsimula sa pagsulat dahil ayokong dumating sa wakas. Nakatanim sa isip kong sa tagal ng panahon huminto ako, nawala ang husay ko.
Tinamad ako. Hindi na ako magaling. Kinapos ako ng style. Wala akong oras. Mas maraming dapat intindihin at unahin. Wala namang makakabasa o pupuri sa mga isinulat ko.
Pero lahat 'yan alibi ko lang.
Kailangang mahanap ko muna sigurong muli ang sarili ko. Kailangan kong magsimula sa wakas. Hayaang masaktan ang sarili para maging malakas. At ikulong ang sarili sa lungkot para sa pagdating ng tamang oras ay lumaya at maging masaya.
Alam ko naman ang solusyon, pero hindi pa ako handang gawin.
Unti-unti, pupulitin ko lahat ng nakakalat na papel sa paligid at nagtataeng bolpen. Unti-unti, mapapalitan uli ‘yon ng mga sulating maipagmamalaki.
Darating din ang oras na ibabangon ako mula sa pagkadapa ng sarili kong sining.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento